Manila, Philippines – Nakatakdang maghain ng counter-affidavit bukas, April 25 si Rappler editor in Chief Maria Ressa at kanyang kapwa respondents ukol sa cyber libel complaint na isinampa sa Department Of Justice (DOJ) patungkol sa inilathalang artikulo sa negosyanteng si Wilfredo Keng.
Ayon kay Senior State Prosecutor Edwin Dayog, bukod kay Ressa, pinasusumite rin ng sagot sina Rappler reporter Reynaldo Santos Jr. at Rappler directors Manuel Ayala, Nico Jose Nolledo, Glenda Gloria, James Bitanga, Felicia Atienza at Dan Alber de Pauda.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ni Keng hinggil sa article na “CJ Using SUVs of Controversial Businessmen” na isinulat ni Santos at nai-publish sa Rappler noong May 29, 2012.
Inilathala ang istorya kasabay ng impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.
Binanggit din sa artikulo na si Keng ay isang Filipino-Chinese businessmen na pinangalanan ng Forbes magazine na isa sa pinakamayamang Pilipino noong 2010.