Pinaalerto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at lahat ng cyber teams ng pamahalaan sa DDoS (Distributed Denial of Service Attack) laban sa mga serbisyo ng gobyerno ngayong araw, November 5.
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro, bagama’t wala pang kumpirmadong grupo o indibidwal na tinutukoy na nasa likod ng banta, ay naka-full alert ang lahat ng cybersecurity units.
Sinabi na rin aniya ni DICT Secretary Henry Aguda na naka-activate na ang “Oplan Cyber Dome”, isang malawakang operasyon para protektahan ang mga digital services ng gobyerno at mga kritikal na imprastruktura gaya ng mga bangko, telcos, ospital, at iba pang pribadong sektor na target ng cyberattacks.
Mahigpit din ang koordinasyon ng gobyerno at pribadong sektor upang matiyak na ligtas, tuloy-tuloy, at accessible ang lahat ng online platforms kahit pa magkaroon ng online attack.
Tiniyak din ng DICT na may alternatibong paraan ang publiko na maaaring dumiretso sa mga tanggapan ng gobyerno para sa in-person transactions kung sakaling maapektuhan ang online systems.









