
Pumalo na sa 16,000 ang kabuuang cybercrime complaints na natanggap ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), kabilang ang mahigit 6,000 bagong reklamo ngayong 2025.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni CICC Usec. Aboy Paraiso, na tumaas ang bilang ng mga kaso dahil mas alam na ng publiko kung saan at paano magreklamo, lalo na sa pamamagitan ng 24-oras na hotline 1326.
Sinabi ni Paraiso na bumilis ang pag-aksyon sa mga reklamo dahil sa mas mahigpit na koordinasyon ng CICC sa PNP, NBI, AFP, DOJ, at DICT.
Binigyang-diin din niya ang pagtutulungan ng buong pamahalaan upang masugpo ang cybercrime at iba pang banta online.
Kinumpirma rin ng CICC ang pakikipagtulungan sa Presidential Communications Office (PCO), kung saan mino-monitor ng PCO ang pekeng balita habang tumutulong ang CICC sa fact-checking at pagpapatanggal ng mapanlinlang na online content.









