Wala pang pormal na utos ang Department of Labor and Employment (DOLE) para ihinto ang Skyway Extension Project kasunod ng aksidente ng pagbagsak ng steel girder sa East Service Road sa bahagi ng Muntinlupa na ikinamatay ng isang motorista.
Ito ang nilinaw ni Labor Secretary Silvestre Bello III matapos na lumabas ang mga ulat na nag-isyu ng work stoppage sa proyekto.
Katunayan ayon sa kalihim, hinihintay pa niya ang resulta ng imbestigasyon sa insidente.
Sa press briefing kahapon, matatandaang sinabi ni DOLE Spokesperson Rolly Francia na nanggaling sa DOLE-National Capital Region ang utos na ini-isyu sa contractor ng Skyway na EEI Corp. at mga subcontractors nito.
Pero ayon kay Bello, ire-review pa niya ang mga rekomendasyon.
Samantala, sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DOLE-Occupational Safety and Health Center Executive Director Engr. Noel Binag na mananatiling suspendido ang mga proyektong may kontrata ang EEI sa San Miguel Corporation.
Ito ay matapos na makitaan ng non-compliance sa standard ang EEI na siya rin aniyang magiging basehan ng multang posibleng ipataw sa kompanya.
“Ang narinig ko kahapon, kung saan nagkaroon ng kontrata ang EEI sa San Miguel, lahat na ‘yon ay suspended,” ani Binag.
“Magkakaroon tayo ng conference ngayong araw na ito upang ma-determine natin kung ilang araw nila iko-comply yung mga requirements. Habang hindi nila nasa-submit yung requirements magiging temporarily suspended yung operation,” dagdag pa ng opisyal.