DA-BAI, sinisi ng isang broilers group sa patuloy na pagkalat ng bird flu

Isinisi ng United Broilers Raisers Association (UBRA) sa mabagal na pag-aksyon ng Department of Agriculture ang patuloy na pagkalat ng bird flu sa bansa.

Punto ni UBRA Chairperson Gregorio San Diego, bago pa kasi mapuntahan ng mga tauhan ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang mga manukan na positibo sa sakit ay marami na ang namatay sa kanilang alaga.

Dahil dito, hindi lahat sa kanilang mga alaga ang nababayaran kung kaya’t may iba ang napipilitang magbenta pa rin ng manok kahit may sakit.


“Halimbawa si Juan may farm, tinamaan ng sakit, halimbawa bird flu, magre-report sa BAI. Bago naman puntahan ng BAI yan, inaamin naman nila, dahil kokonti ang tao nila, e marami nang namatay. Ang problema rito, yung mga patay na manok, hindi binabayaran. Ang binabayaran lang nila, yung aabutin nila farm na pinalilibing nila,” ani San Diego.

“Ang nangyayari ngayon, yung ibang mga magsasaka na may poultry, para makabawi kahit konti, binebenta yung mga manok kahit may sakit. Kaya kumakalat yung sakit,” dagdag niya.

Samantala, problema pa rin hanggang sa ngayon ang kakaunting suplay ng itlog sa bansa.

Ayon kay San Diego, dahil nga sa mahal na presyo ng mga patuka, marami ang kumalas sa industriya na nagresulta ng pagbaba ng produksyon ng itlog.

Hinaing pa ng grupo, sa halip na tulungan sila ng DA ay lalo pa silang nalubog dahil sa walang tigil na importasyon.

Facebook Comments