Pinakikilos na ni House Committee on Social Services Chairman Alfred Vargas ang Department of Agriculture (DA) na makipagtulungan na sa lumalawak ngayon na community pantries sa bansa.
Naniniwala si Vargas na maaaring maging tulay ang DA para makabili ang mga may-ari o organizer ng mga community pantry ng iba’t ibang produkto direkta sa mga lokal na magsasaka at mangingisda.
Halimbawa rito ang mga bigas, gulay, prutas, karne, isda at iba pang pagkain na karaniwang ibinibigay ng mga community pantries sa mga taong pumipila para sa ayuda.
Sa ganitong paraan aniya ay makakatulong ang ahensya sa agriculture sector na lubha ring naapektuhan ng COVID-19 pandemic at iba pang mga nagdaang kalamidad.
Bukod sa kikita ang mga magsasaka at mangingisda ay maipagpapatuloy rin ng mga community pantries ang mabuting hangarin para sa mga kababayang hirap ngayong pandemya.