Pinayuhan ng Department of Agriculture (DA) ang publiko na bumili muna ng ibang uri ng isda na maaaring ipalit sa galunggong dahil sa mataas na presyo nito.
Ayon kay Secretary William Dar, marami namang alternatibong isda na mura ang presyo sa pamilihan kumpara sa galunggong na pumapalo na sa halos tatlong daang piso ang kada kilo.
Ayon sa kalihim, mas mura na di hamak ang presyo ng isdang bangus at tilapia dahil marami umanong suplay nito na nanggagaling lamang sa iba’t-ibang bahagi ng Luzon.
Anya, umaabot lamang sa 120 pesos ang kada kilo ng tilapia habang nasa 150 pesos lamang ang presyo ng kada kilo ng isdang bangus.
Kahit pa maraming suplay ng tilapia at bangus, itutuloy pa rin ng D.A ang pag-aangkat ng galunggong upang mapababa ang presyo ng suplay nito sa merkado.