DA, humihingi ng dagdag na pondo sa Kongreso para sa paglaban sa ASF at pagpaparami ng baboy

Humiling ng dagdag na pondo ang Department of Agriculture (DA) para sa kanilang programa laban sa African Swine Fever (ASF).

Sa joint hearing ng House Committees on Agriculture and Food at Trade and Industry, sinabi ni Agriculture Undersecretary Willie Medrano na kailangan nila ng P27.1 billion sa loob ng tatlong taon simula ngayong 2021 at ito ay gagamitin para labanan ang ASF at para sa pagpaparami ng baboy sa bansa.

Sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act (GAA), sinabi ni Medrano na kulang ang P2.6 billion na alokasyon ngayong taon para sa calibrated repopulation at intensified production, swine breeder multiplier farms, insurance premium at biosecurity at surveillance program.


Mangangailangan pa sila ng P4.297 billion bilang karagdagang pondo ngayong taon, P11.340 billion naman sa 2022 at P9.390 billion naman para sa 2023.

Hangad ng ahensya na matanggal sa quarantine ang 90 percent ng 2,100 ASF-affected barangays gamit ang kanilang sentinel approach, at mapalakas din ang production at protection ng mga ikinukunsiderang Green Zones.

Target din na maitaas sa 440,563 ang maipo-produce na mga baboy sa loob ng tatlong taon.

Bukod dito, layon din aniya nilang umabot sa 15.6 million finishers o mga baboy na pwedeng maibenta ang masasakop ng insurance mula 2021 hanggang 2023.

Facebook Comments