DA, ikakasa ang Bantay Presyo Task Force

Photo Courtesy: Department of Agriculture - Philippines

Tiniyak ni Agriculture Secretary William Dar na ikakasa na rin ang mahigpit na pagbabantay sa presyuhan sa merkado.

Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, tiniyak ni Dar na pakikilusin ang Bantay Presyo Task Force na binuo ng ahensya upang tutukan ang mga traders at wholesalers ng karneng baboy at manok.

Nilinaw naman ni Dar na traders at wholesalers ang kanilang mahigpit na babantayan dahil ang mga ito ang nagmamando at nagmamanipula ng presyo ng karne mula sa farm-gate kaya nagiging mas mataas na ang halaga sa oras na ibenta sa merkado.


Samantala, binibigyan naman ng hanggang Lunes ang mga nagbebenta ng karneng manok at baboy para tumalima sa pagtatakda ng price ceiling sa ilalim ng Executive Order (EO) 124.

Sa ngayon kasi ay batid ng ahensya na mataas pa rin ang presyo ng karne dahil nakuha ang mga ito sa mas mataas na presyo.

Umapela naman si Laban Konsyumer Atty. Vic Dimagiba sa Department of Trade and Industry (DTI) at sa Price Coordinating Council na magsagawa ng malawak na monitoring upang masigurong nasusunod ng mga sellers ang itinakdang price cap.

Sa ilalim ng EO 124, ipapako ang presyo ng kasim at pigue sa ₱270 kada kilo, ₱300 kada kilo ang liempo at ₱160 kada kilo ang karneng manok sa loob ng 60 araw.

Facebook Comments