DA, ikinukunsidera ang pagkakaloob ng subsidy sa ASF vaccine

Ikinukinsidera ng Department of Agriculture (DA) na magbigay ng subsidiya sa mga hog raiser sa oras na masimulan na ang rollout ng AVAC ASF vaccine sa bansa.

Sinabi ni DA Deputy Spokesperson Asec. Rex Estoperez, nakikipag-usap na sila sa Bureau of Animal Industry (BAI) para mahanapan ito ng pondo .

Ang hakbang ay tugon ng DA sa hirit ng ilang hog farmers na sagutin o magbigay ng kahit subsidiya sa vaccine ang pamahalaan para makatulong sa small and medium scale local hog farmers.


Ani Estoperez, hindi pa makapag-commit ngayon ang DA para dito dahil wala pa namang inilalabas na presyo ng kada dose ng ASF vaccine.

Anya dedepende rin ang DA sa supply at demand ng bakuna o kung marami ang suplay ng bakuna ay baka maibaba ang presyo nito.

Kung kinakailangan, handa anya ang DA na humiling ng dagdag na pondo sa Department of Budget and Management (DBM) para sa ASF vaccine subsidy o gamitin ang quick response fund nito.

Pinag-aaralan din ng DA ang paghingi ng tulong sa Kongreso para maitaas ang pondo ng BAI para magkaroon ng alokasyon sa bakuna.

Sa ngayon, sinabi ni Estoperez na hinihintay pa ng BAI ang pag-apruba ng FDA sa rekomendasyon nito na bakuna kontra ASF.

Facebook Comments