Nagpalabas ngayon ang Department of Agriculture ng kautusan na nagbabawal sa importasyon ng mga pork products sa Thailand kasunod ng outbreak ng African Swine Fever (ASF) doon.
Sa memorandum na pirmado ni Agriculture Secretary William Dar, sinususpinde muna ang pag-iisyu ng sanitary at phytosanitary import clearances para sa domestic at wild pigs gayundin ang mga kaakibat na produkto nito tulad ng pork meat, pig skin at ng processed animal proteins.
Kasunod naman ito ng napaulat na pagkaka-detect ng ASF virus sa mga pet pig at sa resulta ng surface swabs ng slaughterhouse sa Nakhon Pathom sa Thailand.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, bagama’t hindi accredited ang Thailand sa mga bansang nagluluwas ng swine related commodities sa Pilipinas, hindi dapat magpakakampante at dapat maging mapagbantay sa posibleng pagpupuslit ng mga ASF-susceptible products papasok ng bansa.
Iniutos ng DA chief sa mga veterinary quarantine officer at inspector na bantayan ang mga entry points at pangunahing pantalan sa bansa at kumpiskahin ang mga swine related shipments.
Una nang ipinatigil pansamantala ng DA ang importasyon ng poultry at poultry products mula Spain at Croatia dahil naman sa banta ng avian influenza virus.