Itinanggi ng Department of Agriculture (DA) na may kasunduan na para hilingin ang suspensyon ng price cap sa karne ng baboy.
Ayon kay Agriculture Usec. Ernesto Gonzalez, nakipagpulong na siya sa mga stakeholders at meat dealers upang pag-usapan ang price cap.
Muli namang ire-review ang pagpatong ng presyo kung kailangan bang i-lift o i-adjust ang halaga.
Nabatid na dahil sa ipinataw na price ceiling sa Kamaynilaan, ilang meat vendor ang hindi pa rin nagtitinda dahil sa pagkalugi sa negosyo.
Ani pa ni Gonzalez, bagama’t may sapat na suplay ng baboy mula sa Visayas at Mindanao, hindi pa rin aniya ito napupunta sa Metro Manila dahil sa price cap.
Matatandaang kamakailan lamang nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng price ceiling sa karneng baboy at manok sa Metro Manila.
Sa ilalim ng Executive Order No. 124, may price cap na P270 ang kada kilo ng kasim at pigi, P300 ang kada kilo ng liempo, at P160 ang kada kilo ng manok.
Naging epektibo ang kautusan noong Pebrero 8 at tatagal nang 2 buwan.