DA, katuwang ang Landbank sa paglulunsad ng info caravan para sa mga magsasaka at mangingisda

Suportado ng Land Bank of the Philippines (LANDBANK) ang sektor ng agrikultura sa kauna-unahang National Information Caravan on Agri-Fishery Credit Programs.

Ang hakbang na ito ay katuwang ang Department of Agriculture (DA) at Agricultural Credit Policy Council  (ACPC).

Kasabay ng ika-123 taong anibersaryo ng DA, ang virtual caravan ay bahagi ng mga hakbang para itaas ang kamalayan ng publiko sa agri-fishery credit programs na alok ng pamahalaan.


Ayon kay LANDBANK President and CEO Cecilia Borromeo, layunin nito na itaas ang productivity at income ng mga magsasaka at mangingisda sa buong bansa.

Handa silang magbigay ng accessible at responsive financial services para sa muling pagpapasigla ng lokal na ekonomiya at matiyak ang food security.

Mula nitong May 31, 2021, ang LANDBANK ay nakapagbigay na ng tulong sa 2.7 million na magsasaka at mangingisda sa buong bansa, kung saan 991,577 ay nasuportahan sa pamamagitan ng loan at cash grant na nagkakahalaga ng ₱13.39 billion sa ilalim ng mga programa ng DA.

Mula sa kabuoang disbursements, ₱5.10 billion ay inilabas sa ilalim ng Agricultural Competitiveness Enhancement Fund (ACEF), na napakinabangan ng 40,556 farmers at fishers.

Nasa 1.05 billion na cumulative loans ang naipaabot sa 32,000 na magsasaka at mangingisda sa ilalim ng Expanded Rice Credit Assistance Under Rice Competitiveness Enhancement Fund (ERCA-RCEF).

Ang LANDBANK ay nagpatupad ng Socialized Credit Program sa tulong ng Sugar Regulatory Administration (SRA), sa ilalim ng Sugarcane Industry Development Act (SCP-SIDA), kung saan aabot sa ₱400 million ang naipaabot sa 6,156 na magsasaka.

Aabot naman sa ₱2.52 billion na halaga ng loan ang nailabas ng LANDBANK sa 165,963 small rice farmers sa pamamagitan ng Survival and Recovery Assistance (SURE Aid) Lending Program.

Natulungan din ng LANDBANK ang 13,884 na magsasaka at mangingisda sa ilalim ng SURE Aid COVID-19 program.

Sa ilalim naman ng Rice Farmer Financial Assistance (RFFA) Program, aabot sa 258,919 na magsasaka ang nabigyan ng cash assistance na nagkakahalaga ng ₱1.29 billion.

Para naman sa Financial Subsidy to Rice Farmers (FSRF) Program, ang LANDBANK ay naglabas ng kabuoang ₱2.68 billion na cash grants sa 536,119 farmer beneficiaries.

Dinoble naman ang available na pondo sa ilalim ng LANDBANK SWINE o Special Window and Interim  Support to Nurture Hog Enterprises mula ₱15 billion hanggang ₱30 billion.

Facebook Comments