DA, muling tiniyak ang tulong sa mga magsasakang apektado ng mga nagdaang bagyo

Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na tutulungan nila ang mga magsasaka na malubhang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.

Sa budget interpellation ng DA sa Senado, tinanong ng mga senador ang sponsor ng budget bill ng ahensya na si Senator Cynthia Villar kung paano matutulungan ng ahensya ang mga magsasaka na tinamaan ng mga nagdaang bagyo sa Bicol at Cagayan Valley.

Ayon kay Sen. Cynthia Villar, sponsor ng budget bill ng DA, magpapadala ang ahensya
sa mga binahang lugar ng mga heavy equipment para matulungan ma-clear ang mga taniman para makapagtanim agad.


May mga programa rin ang DA para sa mga magsasaka ng palay at mais.

Sinabi naman ni Agriculture Sec. William Dar, nagsasagawa na ang mga regional offices nila ng field validation sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para matukoy ang mga taniman na lubhang naapektuhan ng mga bagyo at malaman kung anong lugar na ang pwede nang taniman at ano yung hindi pa.

Mabibigyan naman aniya ang lahat ng mga apektadong magsasaka na nakarehistro sa Philippine Crop Insurance System ng P10,000 hanggang P15,000.

Habang maaari ring magkapag-loan ang mga magsasaka ng P25,000 na may zero interest at payable ng sampung taon.

Bukod pa ito sa mga ibibigay nilang fertilizers, fingerlings at iba pang agricultural inputs.

Maliban dito, mayroon ding may financial assistance para sa non-rice farmers gaya ng abaca farmers sa Catanduanes at iba pang probinsiya.

Ang DA at attached agencies nito ay may proposed budget na P85.58 billion para sa 2021.

Facebook Comments