DA, naglabas ng memorandum order kaugnay ng inilatag na istratehiya sa pagpapalago ng sektor ng agrikultura ngayong 2021

Naglabas ng memorandum order si Secretary William Dar para mapaunlad ang sakahan at pangisdaan sa bansa ngayong taong 2021.

Layon nito na makamit ang target na 2.5 percent na pag-angat ng sektor ng agrikultura.

Nakapaloob sa memorandum order ang labindalawang istratehiya upang gawing epektibo ang pamamahala ng mga resources ng kagawaran at mga kaugnay na ahensiya at korporasyon nito upang matamo ng Pilipinas ang isang moderno at industriyalisadong pagsasaka.


Kabilang dito ang pagtatayo ng kulupon ng sakahan o farm clustering upang mapagsama-sama ang mga serbisyo mula sa nasyonal at lokal na pamahalaan, at makabuo ng isang Bayanihan Agri-Clusters (BACs).

Pagtatatag ng Provincial-led Agriculture and Fisheries Extension System (PAFES) na ang layunin ay makagawa ng high potential commodity sa bawat lalawigan.

Ito ay naumpisahang gawin sa lalawigan ng Ilocos.

Inilatag na rin ang pagtatayo ng mga Agri-Business Corridors (ABCs) tulad ng gagawin sa Taguig City at sa Clark, Pampanga.

Pagtatayo ng mga imprastukra tulad ng farm to market roads, post-harvest facilities, cold chains at processing plant, kasama na ang market support at sa climate change.

Bahagi rin ng hakbang ang pagpapaigting ng Bantay Presyo Task Group at Anti-Smuggling Task Group.

Isinusulong din ang pagsasakatuparan ng Digital Agriculture program para sa National Agriculture and Fishery Registry System at ng E-Kadiwa.

Gagamit na rin ng sattelite technology upang malalaman ang mga nasirang pananim dulot ng bagyo para sa crop insurance.

Facebook Comments