DA, nangangambang hindi mapanatili ang mataas na rice self-sufficiency dahil sa mahal na presyo ng pataba

Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na may sapat pang supply ng lokal at imported na bigas sa bansa ngayong taon.

Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, noong nakaraang taon ay nakapag-ani ang bansa ng 19.96 million metric tons ng bigas na katumbas ng 92% rice self-sufficiency.

Gayunman, nangangamba ang kalihim na hindi mapanatili ngayong taon ang mataas na rice-self-sufficiency ng bansa dahil sa napakamahal na presyo ng abono.


Paliwanag ni Dar, dumoble o nag-triple kasi ang presyo ng fertilizer dahil sa serye ng oil price hike at ng nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Kaugnay nito, umapela ang DA ng dagdag na anim na bilyong pisong pondo para sa fertilizer subsidy ng local rice farmers.

“Itong wet season planting ang tinututukan natin, mag-uumpisa na itong June. Ang problema, because of the doble, o tripleng fertilizer prices ay baka hindi ma-sustain ‘yung application noong last year,” ani Dar sa panayam ng DZXL-RMN Manila.

“Meron tayong budget this year na fertilizer subsidy, ₱3 billion, tapos humihingi pa kami sa national government na ₱6-B. If that happens, we will have a more comfortable outlook sa rice production this wet season,” dagdag niya.

Kasabay nito, umapela rin si Dar sa susunod na administrasyon na palakasin ang buffer stocking ng National Food Authority (NFA) sa pamamagitan ng pagdaragdag ng pondo sa naturang sangay ng ahensya.

“They have to enhance their procurement kasi ang mandato nila ay buffer stocking so they have to buffer stock 300,000 metric tons,” saad ng kalihim.

Pero ‘yung budget lang niya ay buffer stocking good for 7 days, eh ang nipis po nito sa aking palagay. If we compare ‘yung buffer stock ng China at India ay one year ang buffer stocking nila sa bigas,” dagdag niya.

“With that, gusto natin na under the incoming administration na dapat mas mataas ang buffer stock, so dagdag ang budget ng NFA para maging ₱30 billion a year.”

Nabatid na 1.5% lang ng taunang pondo ng pamahalaan ang napupunta sa DA.

Facebook Comments