DA, nilinaw sa Senado na hindi intensyon ng gobyerno na bigyan ng full-power ang NFA sa pagbili at pagbenta ng bigas

Nilinaw ng Department of Agriculture (DA) sa pagdinig ng Senado na hindi nila gustong ibalik ang buong kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) sa pagbili at pagbenta ng bigas.

Sa pagdinig ng Congressional Oversight Committee on Agricultural and Fisheries Modernization, nagpahayag na agad ng pagtutol ang mga senador sa planong palawakin at ibalik muli ang kapangyarihan ng NFA sa gitna na rin ng mga iregularidad at katiwaliang kinasangkutan ng ahensya.

Pero paglilinaw ni DA Sec. Francisco Tiu-Laurel Jr., sa mga senador, wala aniyang intensyon na ibalik ang full-power ng NFA sa pagbili at pagbenta ng bigas kundi gagamitin lamang ang NFA bilang daan sa pagpapababa ng presyo ng bigas.


Iginiit ni Tiu-Laurel na hindi binibigyan ng authority ang kahit sinuman sa NFA at hindi rin nila hahayaan sa DA na mangyari ulit ang mga kinasangkutang isyu ng NFA.

Aniya pa, pinakahuling paraan din na gagamitin ang NFA sa pag-i-import ng bigas pero ito ay sa ilalim naman ng authority o patnubay ng isa o kahit dalawang kalihim ng pamahalaan.

Sinabi pa ni Tiu-Laurel na pareho sila ng posisyon ni Senator Imee Marcos na gamitin ang DA, Department of Trade and Industry (DTI) at dagdag ang National Price Council sa pagbili, pagbenta at pagtiyak na mababa ang presyo ng bigas.

Nang matanong naman ni Senator Francis Tolentino kung hindi na aamyendahan ang Rice Tariffication Law, tugon ni Tiu-Laurel na kailangan pa rin dahil nawalan ng kapangyarihan ang NFA na manghimasok sa bilihan at bentahan ng bigas sa bansa.

Facebook Comments