Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na walang mararanasang pagkukulang ng suplay ng bigas sa mga susunod na buwan dahil sa magkakasunod na kalamidad.
Ayon kay Agriculture Sec. William Dar, mayroong buffer stock ang National Food Authority (NFA) para sa tatlong buwan na konsumo ng buong bansa.
Aminado si Dar na nabawasan ang stock ng bigas dahil marami ang kinailangan na bigyan ng bigas para sa relief operation.
Sa kasalukuyan, aabot lamang sa 7% ang posibleng aangkating bigas ngunit pag-aaralan pa rin ito ng NFA Council.
Isa ang Mindanao sa malaking pagkukunanng suplay ng bigas para sa mga susunod na linggo upang dalhin sa Luzon.
Maging ang gulay at karne ay manggagaling na rin sa Visayas at Mindanao para punan ang kakulangan ng pagkain sa malaking bahagi ng Luzon.
Nakikipag-ugnayan na sila sa mga shipping company para sa mas mabilis na transportasyon nito.