Nauna nang nagsagawa ng culling ang Bureau of Animal Industry sa 411 broilers na tinamaan ng bird flu sa nasabing lugar.
Kinumpirma rin ni DA Executive Director Narciso A. Edillo na mayroong na-culled na 2,700 layers sa isang commercial poultry farm sa Bantug-Petines Village sa Alicia, Isabela nito lamang May 14, 2022 kasunod ng naitalang bird flu cases sa lungsod ng Cauayan.
Ang isinagawang culling ay layunin na mapigilan ang pagkalat ng nakakahawang sakit kung saan naglatag sila ng 1-kilometer radius mula sa ground zero upang makontrol ang pagkalat nito.
Agad namang inatasan ng Provincial Veterinarian na si Dr. Belina Barbosa ang lahat ng stakeholders ng lalawigan, ang mga LGU, at mga poultry raisers na magbigay ng update ng mga pinaghihinalaang kaso ng bird flu sa kanilang nasasakupan.
Layon nito na maproteksyunan ang industriya ng manok at kalusugan ng pangkalahatang publiko. Sinabi ni Edillo na ang mga carrier ng avian flu ay ang mga migratory bird.
Hinikayat niya ang lahat ng kinauukulan na mag-ulat ng mga pangyayari tungkol sa pagkakaroon ng avian flu sa kanilang mga lugar.
Ang Isabela ang ika-13 probinsya sa Pilipinas na nagkaroon ng sakit.