DA, sinuspinde muna pansamantala ang pag-aangkat ng sibuyas

Sinuspinde pansamantala ng Department of Agriculture (DA) ang pag-iimport ng sibuyas.

Tatagal ang direktibang ito ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., hanggang Mayo.

Pero Ayon kay Laurel, posibleng palawigin ito hanggang Hulyo depende kung magiging sapat ang domestic harvest at maaabot ang local demand.


Sinabi pa ni Secretary Laurel na layon nitong mapigilan naman ang sobrang baba ng presyo bunsod ng labis-labis na suplay.

Gayunman, inihayag ng opisyal na patuloy silang magbabantay dahil sa inaasahang epekto ng El Nino.

Sa sandaling magkaroon ng biglang kakapusan, dito na umano mag-aangkat ng mas maaga.

Sa Marso at Abril ay inaasahan ang full impact ng El Nino.

Kahapon, nakipagpulong si Laurel sa mga kinatawan ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc., at pinag-usapan ang surge sa domestic supply ng sibuyas bunga ng mga fresh harvest at pagdating ng karagdagang supply ng mga imported.

Sa ngayon dahil sa mataas na suplay, nasa 50 hanggang 70 pesos ang kada kilo ng sibuyas at malamang na bumaba pa ito sa susunod na buwan dahil sa panahon ng anihan.

Sa Nueva Ecija na pinakamalaking pinanggagalingan sa Luzon, bente na lang kada kilo ang sibuyas kaya’t dehado ang mga magsasaka.

Facebook Comments