Matapos iatras ang planong pag-aangkat ng bigas, tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na mayroong sapat na suplay ng bigas sa gitna ng pangamba na kulangin ito dahil na rin sa nakaambang El Niño phenomenon na maaaring maramdaman simula sa ikatlong quarter ng 2023 hanggang 2024.
Sa pag-aaral na isinagawa ng DA-National Rice Priogram, tinatayang may ending stock ng palay sa unang quarter ng kasalukuyang taon na 5.66 million metric tons na sasapat hanggang 51 araw.
Kabilang dito ang 3.12 million metric tons ng locally produced rice, 1.77 million metric tons ng beginning stock at 774,050.44 metric tons ng imported rice.
Binigyang-diin ni DA Assistant Secretary Rex Estoperez na kailangang ma-sustain ang pangangailangan ng bigas sa bansa na umaabot sa 37,000 metric tons kada araw.
Inaasahan naman aniya ang pagtaas ng tinatayang suplay ng bigas sa oras na maidagdag ang mga ani mula Marso at Abril at nananatiling handa itong tugunan ang mga posibleng pagbabago kapag nagsimula na ang El Niño.