Tiniyak ni Department of Agriculture Secretary William Dar na tuloy-tuloy ang pagsusuplay ng karne ng baboy sa National Capital Region (NCR).
Mahigpit pa ring minomonitor ng DA ang presyo para maiwasan ang market exploitation.
Base sa data ng Department of Agriculture (DA) Agribusiness and Marketing Assistance Division, patuloy ang pork supply galing ng Central Luzon patungo sa Metro Manila.
Ngayong buwan, nakapaghatid ang naturang rehiyon ng abot sa 9,467 na buhay na baboy na ligtas sa African Swine Fever (ASF) sa Metro Manila.
Dagdag ni Dar, may sapat rin na suplay ng pagkain kabilang ang bigas, karne, isda, at gulay.
Aniya, pinapataas pa nila ang produksyon ng naturang food suplay upang mapigilan ang pagsipa ng presyo nito sa mga pamilihan.
Unti unti na aniyang naibabalik sa normal ang naging epekto sa agricultural produce ng mga bagyong tumama sa Bulacan at Nueva Ecija.