Kasunod ng muling pagpapanumbalik sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal, at Bulacan hanggang August 18,2020, tiniyak ni Department of Agriculture Secretary William Dar na may sapat na suplay ng pagkain tulad ng bigas, gulay, prutas, manok at iba pa.
Ayon kay Dar, base sa kanilang monitoring at analysis mayroong buffer stock na 18 million metric tons para sa bigas na maaaring magtagal hanggang 98 araw, habang ang gulay ay mayroong higit 883,000 metric tons na maaaring umabot pa sa 20 araw.
Kapareho rin at sapat ang suplay na maaaring tumagal ng ilang linggo ang manok, isda at mais.
Kasunod nito, umaapela si Sec. Dar sa mga otoridad lalo na sa mga nakatalaga sa checkpoint na palusutin ang mga nagde-deliver ng gulay.
Nakatanggap kasi siya ng report mula sa Benguet na may ilang biyahero ng gulay ang hindi pinadadaan sa checkpoint.
Giit ng kalihim, baka mabulok lamang ang mga gulay at prutas na galing ng ibang lalawigan kung patuloy na patatagalin sa mga checkpoint.