Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na sapat ang supply ng pagkain sa National Capital Region Plus (NCR+).
Ito ay sa harap ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ngayong araw hanggang April 4 sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, mananatiling sapat ang supply ng pagkain sa lahat kasabay ng paggunita ng Semana Santa.
Inatasan ng DA ang kanilang regional directors na tuluy-tuloy ang pagbiyahe ng mga gulay, isda at livestock products at iba pang basic food commodities sa Metro Manila at iba pang pangunahing consumption centers.
Pagtitiyak din ni Dar na hindi rin maaantala ang galaw ng farm at fishery products tulad ng seeds, fertilizers, feeds, veterinary drugs at biologics, at iba pang agri-fishery materials and equipment – sa tulong ng mga Local Government Unit (LGU), Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Philippine National Police (PNP).
Ang “Kadiwa on Wheels” ay maghahatid din ng produkto mula Luzon, Visayas at Mindanao patungong Kadiwa outlets at iba pang pangunahing pamilihan sa Metro Manila.
Kaugnay nito, nanawagan si Philippine Amalgamated Supermarkets Association President Steven Cua sa publiko na huwag magpanic buying dahil posibleng mauwi lamang ito sa shortage.
Una nang sinabi ng Malacañang na ang mga supermarkets, wet markets at convenience stores ay mananatiling bukas sa ECQ areas.