Tiniyak ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar na may sapat na tustos ng bigas ang bansa sa buong taon habang umiiral ang community quarantine dahil sa COVID-19.
Ayon kay Dar, ngayong buwan lamang ng Agosto ay may 53 araw pang rice inventory ang bansa.
Tataas pa aniya ito sa mga susunod na buwan dahil sa inaasahang harvest mula sa wet season palay cropping na magsisimula sa katapusan ng Septyembre.
Dagdag ng kalihim, may ginawa nang rice supply scenarios ang DA upang magkaroon ng isang malinaw na projection sa pagtatapos ng rice stock inventory.
Lahat ng senaryo ay nagpapakita ng komportableng kasapatan ng supply ng bigas hanggang katapusan ng taon na kaya hanggang 98 araw.
Bukod dito ay magkakaroon pa ng ending stock na sasapat sa loob ng 90 araw.