Manila, Philippines – Matapos ang malawakang kilos protesta kamakailan sa People Power Monument sa EDSA, sa Mendiola, Maynila naman nagprotesta ang daan-daang Angkas riders.
Bunga nito, napuno ng mga motorsiklo ang Mendiola hanggang sa gilid na ng intersection ng kalsada ng Recto at Legarda.
Sa kanilang protesta, umapela ang riders kay Pangulong Rodrigo Duterte na maisalba ang libu-libong Angkas riders na namemeligrong mawalan ng trabaho dahil sa plano ng LTFRB na limitahan ang bilang ng kanilang riders sa kalsada sa susunod na taon.
Ayon kay Robert Perillo, Presidente ng Bulacan Motorcycle Riders Confederation o BMRF at isa sa mga convenors ng Riders of the Philippines o RTOP, nanganganib din na bumalik sa dating gawi na may mga iligal na pamamasadang riders o ang tinatawag na habal-habal.
Binatikos ng grupo ang plano ng LTFRB na pagpasok ng dalawa pang motorcycle hailing app sa industriya.
Ayon kay Perillo, ang mga bagong regulasyon at patakaran sa kompetisyon ay dapat na makabubuti sa kanilang sektor at hindi para patayin ang kanilang kabuhayan.