Agad na nagsagawa ng rescue operations ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga lugar kung saan maraming residente na na-trap sa kanilang mga bahay dahil sa pagtaas ng baha.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, marami silang natanggap na direct request at rescue sa mga residente sa Luzon at ilang bahagi ng Visayas.
Aniya, maraming residente ang nagsi-akyatan ng kanilang bubongan o sa pinakamataas na palapag ng kanilang mga bahay matapos abutan ng baha ang mababang bahagi ng kanilang mga bahay.
Mas inunang sinagip ang mga buntis, mga bata at senior citizens.
Nasa 363 national search and rescue teams na binubuo ng 1,000 uniformed personnel mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fire Protection (BFP) ang ipinakalat para tulungan ang mga lokal na pamahalaan.