CAUAYAN CITY – Natapos na ang pagsesemento ng DPWH – Nueva Vizcaya 1st District Engineering Office sa Junction Daang Maharlika-Masoc-Ambaguio Road, sa bayan ng Ambaguio, Nueva Vizcaya.
Ang nasabing daan ay patungong Mt. Pulag National Park kung saan maraming turista ang bumibisita rito.
Ginamitan ng Portland Cement Concrete Pavement (PCCP) na may kapal na 280 millimeters ang nabanggit na daan kung saan ay may haba itong 60-meters longitudinal carriageway at lawak na 6.7 meters.
Sa pahayag ni District Engineer Marifel Andes, hindi na delikado at hindi na mahirap puntahan ng mga residente at turista ang lugar dahil maayos at sementado na ang naturang daan.
Dagdag pa niya na malaking tulong ang proyekto hindi lamang sa bayan ng Ambaguio, maging ng buong Nueva Vizcaya dahil mapapalakas nito ang turismo sa lalawigan.
Nasa P2.5M ang inilaang pondo para sa proyekto sa ilalim ng 2024 Regular Infrastructure Program.