Lilimitahan ng Philippine Military Academy (PMA) ang makakadalo ng pisikal sa isasagawang PMA Alumni Association Inc. (PMAAAI) General Assembly at PMA Alumni Homecoming sa darating na Biyernes at Sabado.
Ayon kay 1st Lt. Christine May Calima, Public Affairs Office Chief ng PMA, ang aktibidad sa PMA grandstand ay pagsasabayin ang physical at online attendance bilang pagsunod sa umiiral na health protocols at sa mga alituntunin ng Baguio City.
Aniya, ang mga panauhing pandangal sa dalawang aktibidad na sina Pangulong Rodrigo Duterte at House Speaker Lord Allan Velasco ay dadalo “virtually”.
Habang ang ibang PMA alumni ay makikibahagi sa mga aktibidad sa pamamagitan ng video teleconfernce.
Ang mga alumni at bisita naman na pisikal na dadalo sa aktibidad ay iisyuhan ng pass cards para makadaan sa checkpoint papasok sa Baguio City.
Kailangang fully vaccinated ang mga dadalo ng pisikal at ire-require na magprisinta ng negative antigen test na kinuha ng hindi lagpas sa 24 oras bago papasukin sa kampo.