Tinawag ni Sen. Panfilo Lacson na “improper” o hindi aksyon ng isang lider ang ginawang dagdag-bawas ni House Speaker Lord Allan Velasco sa pondo ng mga kaalyado at kritikong kongresista sa ipinasa ng Kamara na 2021 national budget.
Ayon kay Lacson, halata ang pagpabor ni Velasco sa kanyang mga supporters habang nilalabag ang mga kongresista na kaanib ni dating House Speaker at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano.
Bagama’t hindi na inisa-isa ni Lacson, isa sa mga binawasan ng budget si Camarines Sur Rep. Luis Raymond Villafuerte habang ilan sa may malaking budget increase ay ang Benguet, Albay at Abra.
Una nang kinumpirma ni Cayetano na P300 million hanggang P1 billion ang naging kapalit ng pagsuporta ng mga kongresista kay Velasco kaya nagmadali ito sa turn over ng Speakership noong Oktubre.
Dinepensahan din ni Cayetano ang mga kongresista na malapit sa kanya na wala sa Top 10 na may malaking budget, sa katunayan ang mga pwesto nito sa listahan ay pang 155, 204, 219, 193 at 154.
Itinanggi naman ni ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap, Chairman ng House Committee on Appropriations ang alegasyon ni Lacson na ang mga kaalyado ni Velasco ang nakakuha ng “last minute” increase sa alokasyon sa General Appropriations Bill (GAB).