Hinimok ng dalawang lider ng Kamara ang pamahalaan na huwag nang dagdagan ang bayarin ng mga import containers na nakatengga sa mga pantalan sa gitna ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kina Committee on Economic Affairs member at Ang Probinsyano Rep. Ronnie Ong at Committee on Appropriations Chairman at 1ACT-CIS Rep. Eric Yap, ang pagkabinbin ng mga kargamento sa mga pantalan ay nagdulot na ng malaking epekto sa iba’t ibang industriya na nakadepende sa importasyon.
Giit nila Ong at Yap, i-waive na muna dapat ng gobyerno ang ilang karagdagang bayad sa mga containers mula sa ibang bansa dahil magdudulot lamang ito ng pagtataas sa presyo ng mga produkto kabilang na ang mga pangunahing pangangailangan.
Sinabi ni Ong na kailangang mabigyang proteksyon ang mga import sector sa ganitong mga pagkakataon dahil karamihan din sa mga bagay na nasa mga containers ay kinakailangan din para maka-survive sa krisis.
Ani Yap, kung ipagpapatuloy ang paniningil ay mga ordinaryong consumers naman ang mahihirapan dahil sa kanila ipapasa ang dagdag na singil.
Marami anila sa mga containers sa iba’t-ibang pantalan ang hindi nakukuha ng mga importers bunsod ng lockdown kaya nalulugi ang mga ito ngunit ang Bureau of Customs (BOC) at Philippine Ports Authority (PPA) ay patuloy pa rin ang ginagawang pagpapataw sa kanila ng karagdagang bayarin.