Manila, Philippines – Tataas ang benepisyo ng mga miyembro at pensioners ng Social Security System oras na matuloy ang plano nitong dagdag-kontribusyon.
Sa panukala ng SSS, mula 11 percent, itataas sa 12.5 percent ang contribution rate ng mga miyembro.
Nais din nilang itaas sa P20,000 mula sa kasalukuyang P16,000 ang monthly salary credit na magpapalaki naman sa kaltas ng mga sumasahod ng lagpas P16,000 kada buwan.
Pero paliwanag ni SSS President Emmanuel Dooc – sa kabila ng malaking kaltas, tataas naman ang makukuhang benepisyo ng mga miyembro.
Mula sa P7,400 na pensyon ng mga miyembrong nakahulog ng sampung taon, magiging P9,000 ang kanilang matatanggap kada buwan habang magiging P13, 300 naman mula sa dating P10, 900 para sa mga nakahulog sa loob ng 30 taon.
Tataas din ang matatanggap na sickness, maternity at funeral benefits ng mga empleyadong nasa P30,000 ang sweldo.
Umaasa naman ang SSS na masasabay ang dagdag-kontribusyon sa magiging bagong tax reform law kung saan maraming manggagawa ang hindi na papatawan ng personal income tax.