Irerekomenda ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez na magsagawa na rin ng sesyon ang Kongreso tuwing Huwebes.
Ayon kay Rodriguez, imumungkahi niya ito sa liderato ng Kamara para makapaglatag na ng resolusyon at maipatupad ang dagdag na araw ng sesyon.
Aniya, masyadong maikli ang tatlong araw sa isang linggo na sesyon lalo pa’t 9 session days o tatlong linggo na lamang ang nalalabi sa second regular session ng 18th Congress.
Bukod dito, marami pa aniyang priority measures na dapat pagtibayin ang Kamara tulad ng Bayanihan 3 at Economic Charter Change bukod pa ito sa ibang mga panukala na nakalinya ring aprubahan sa Mababang Kapulungan.
Sakali aniya ay may tatlong dagdag na mga araw ng Huwebes na maaaring magsagawa ng sesyon para matiyak na lahat ng mga mahahalagang panukala lalo na ang mga COVID-19 related measure ay maaaprubahan bago ang sine die adjournment sa June 5.
Hinimok din ng kongresista ang mga kasamahan na itodo na ang sesyon dahil kung tutuusin ay hindi kinakailangan ang physical presence ng mga mambabatas.