Dagdag na benepisyo at pribilehiyo para sa dating mga pangulo ng Pilipinas, isinulong sa Kamara

Isinulong sa Mababang Kapulungan ang panukalang batas na magbibigay ng dagdag na mga benepisyo at pribilehiyo sa mga dating pangulo ng Pilipinas.

Ito ang House Bill 7231 o “Former Presidents Benefits Act” na inihain nina Zamboanga del Sur 1st district Rep. Divina Grace Yu at Zamboanga 2nd district Rep. Jeyzel Victoria Yu.

Kabilang sa mga benepisyong nakapaloob sa panukala ay ang pagkakaroon ng mga dating pangulo at mga miyembro ng kaniyang pamilya ng personal security at protection details mula sa Presidential Security Group na maaaring dagdagan ng Philippine National Police.


Nasa panukala rin ang pagkakaroon nila ng sapat na staff mula sa Office of the President at “office space” o opisina.

Binigyang diin sa panukala na mayroon pa ring dapat gampanan na tungkulin ang mga dating presidente ng bansa gaya ng mga pulong sa foreign at local dignitaries, pagdalo sa mga pagtitipon at social engagements.

Nakasaad din sa panukala na ang mga dating pangulo ay nagsisilbi pa ring representasyon ng ating bansa at malaki ang kanilang ambag sa pagtataguyod ng ating lipunan at sa iba’t ibang isyu.

Facebook Comments