
Iginiit ng Korte Suprema na hindi na kailangan pa ng dagdag na certificate of requirements mula sa Department of Energy (DOE), para sa renewable energy suppliers na hihingi ng tax refund.
Sa desisyon na sinulat ni Associate Justice Maria Filomena Singh, hindi na required ang Certificate of Endorsement ng DOE para patunayan ang zero-rated sales sa mga humihingi ng tax refund sa ilalim ng Renewable Energy Act.
Tugon yan sa kasong inihain ng Maibarara Geothermal Inc., na isang renewable energy developer na humihingi ng mahigit P80 million na VAT refund noong 2013.
Batay kasi sa 1997 National Internal Revenue Code, pasok sa 0% vat o zero-rated sales ang pagbebenta ng renewable power o fuel kaya naman entitled ang mga ito sa tax refund o credit.
Pero kailangang naka-rehistro ang mga developer sa DOE para maging kwalipikado sa insentibo.
Batay naman sa SC ruling, lumagpas na sa mandato ng batas ang requirement na dapat munang magpresinta ng DOE Certificate of Endorsement at mayroon din daw na Department Circular na inisyu mismo ang kagawaran na nag-aalis dito bilang requirement.
Sa kabila ng ruling, hindi naman kinatigan ng SC ang VAT refund claim ng kompanya dahil sa pagkabigo nitong patunayan ang kanilang actual zero-rated sales noong 2013.