Dagdag na excise tax rates sa mga alak at sigarilyo, lusot na sa ikalawang pagbasa

Manila, Philippines – Mabilis na nakalusot sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukalang magtataas sa excise tax rates ng mga alcoholic drinks at tobacco sa bansa.

Sa viva vice voting lumusot ang Substitute Bill 1206 o ang Act Amending the National Revenue Code of 1997.

Nakasaad sa ipinasang panukala na itaas sa P6.60 ang excise tax na ipinapataw sa mga alcoholic drinks.


Simula sa January 2020 magkakaroon ng ad valorem rate na 22% kabilang na ang specific tax rates per proof liter na tataas sa P45 hanggang sa 2023 para sa mga distilled spirits at karagdagang 5% simula 2024.

Inaprubahan din ang P650 unitary rate para sa mga sparkling wines at P2.10 ang buwis sa mga still at carbonated wines.

Ang may alcohol content na mas mataas sa 14% ay may P4.10 na pagtaas habang P2. 60 naman sa fermented liquor.

Sa sin tax naman sa tobacco products magkakaroon ng P45 na pagtaas ng buwis sa kada pakete ng sigarilyo pagsapit ng January 1, 2020 at tataas ito ng limang piso kada taon hanggang 2023.

Pagsapit ng 2024 ay magkakaroon na ng 5% na pagtaas sa buwis sa kada taon.

Bukod sa sigarilyo, papatawan na rin ng buwis ang vape o e-cigarettes products simula January 1, 2020.

Kapag naging batas ang panukala kikita ang gobyerno ng P32.94 billion sa alcohol at P3.2 billion sa tobacco, vape at heated tobacco sa unang taong implementasyon nito.

Facebook Comments