Isinusulong sa Kamara ang panukala na magbibigay ng dagdag na insentibo para sa mga kumpanyang kabilang sa “green industries” o mga kumpanyang nag-adopt ng mga eco-friendly practices.
Sinabi ni Deputy Speaker Camille Villar sa inihaing House Resolution 2483, ang pagbibigay ng dagdag na perks at benepisyo sa mga kumpanyang nag-adopt ng “green techniques” ay makahihikayat sa mga private investments na gawin din ito.
Dahil din sa mga dagdag na insentibo ay magiging mas “sustainble” o matatag ang kinabukasan na magreresulta sa mas maraming oportunidad sa mga Pilipino.
Iminumungkahi ng kongresista na para mas yumabong pa ang “green industry” ay dapat palawakin ng gobyerno ang incentive program sa labas ng manufacturing sector at isulong ang mas marami pang “green firms” sa bansa lalo na ang operasyon sa mga sektor na kabilang sa micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Ang panukala ay salig sa Republic Act 10771 o Philippine Green Jobs Act na layong bigyang daan ang mas maraming green jobs at employment na nagsusulong ng pangangalaga ng kapaligiran.