Inaasahan na darating bukas ng gabi, Marso 7, ang dagdag na 38,400 doses ng AstraZeneca na balanse ng naunang batch ng 487,200 doses ng bakuna galing sa COVAX Facility.
Inihayag ito ngayon ni Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go base sa sulat na natanggap ng ating pamahalaan.
Dahil dito ay muling nagpasalamat si Go sa mga opisyal ng gobyerno na walang tigil na nagtatrabaho at sa mga international partner na patuloy na tumutulong sa atin.
Tiniyak ni Go na sa rollout ng bakuna ay inuuna muna ang mga frontliner para maproteksyunan sila sa pinaigting na laban kontra COVID-19.
Ayon kay Go, dahil may nauna nang COVID-19 vaccine na gawa ng Sinovac at AstraZeneca ay mayroon ng mapagpipilian ang mga babakunahan sa bansa.
Apela ni Go sa publiko, konting tiis pa habang ginagawa ng gobyerno ang lahat para tuloy-tuloy na ang pagbabakuna sa mga Pilipino na syang tanging susi at solusyon upang tuluyang malampasan ang pandemya.