Dagdag na mga benepisyo at insentibo para sa mga barangay health worker, isinulong sa Kamara

Pinabibigyan ng AnaKalusugan Party-list ng mataas na sweldo, insentibo at dagdag na mga benepisyo ang mga barangay health worker o BHWs na siyang nangunguna sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa bawat komunidad.

Nakapaloob ito sa House Bill 1829 o Magna Carta for Barangay Health Workers na inihain ni AnaKalusugan Party-list Representative Ray Reyes.

Kasunod ng selebrasyon ng Labor Day ay iginiit ni Reyes na katulad ng mga manggagawa ay kailangan ding ipaglaban ang karapatan at kapakanan ng BHWs kagaya ng ibang professionals sa healthcare sector.


Ayon kay Reyes, matagal nang isyu na hindi sapat ang benepisyong nakukuha ng ating BHWs gayong nararapat silang mabigyan ng karampatang suporta kapalit ng serbisyo na iniaalay nila sa ating mga kababayan lalo na sa kanayunan.

Nakapaloob sa panukala ni Reyes ang mga insentibo para sa mga BHW sa buong bansa, tulad ng hazard allowance, transportation allowance, subsistence allowance, one-time retirement cash incentive health benefits, insurance coverage, gayundin ang bakasyon at vacation maternity leave.

Itinatakda rin ng panukala ang pagkakaloob ng oportunidad at pagpapahusay sa kakayahan ng mga BHW sa pamamagitan ng pagsasailalim sa kanila sa iba’t ibang educational programs at scholarship.

Facebook Comments