Pinadagdagan ni Senator Lito Lapid ang service incentive leave (SIL) ng lahat ng mga empleyado sa bansa.
Sa Senate Bill 1511 na inihain ni Lapid, pinaaamyendahan dito ang Labor Code of the Philippines upang gawing sampung araw ang ‘leave with pay’ ng mga empleyado.
Hindi naman sakop ng dagdag na SIL ang mga empleyadong mayroon nang sampung araw na ‘vacation leave with pay’ at iyong mga establisyemento na mas mababa pa sa sampu ang mga tauhan.
Tinukoy ni Lapid sa kanyang panukala na ang dagdag na ‘paid leaves’ ay hindi lang makakabenepisyo sa mga manggagawa kundi pati na rin sa mga employer dahil makapagpapataas ito ng moral, kapakanan, productivity at mababawasan ang employee retention na makakatulong sa isang kompanya.
Makakatulong din ang dagdag na ‘leaves’ ng mga empleyado para maiwasan ang occupational stress, burnout, at maisulong ang ‘work-life balance’.