Confidential at intel funds ng OP at OVP, iginiit na gamitin sa pagbibigay ng ayuda

Hinamon ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Vice President Sara Duterte para isuko na ang kanilang confidential and intelligence funds.

 

Apela ni Castro sa pangulo at ikalawang pangulo, hayaang gamitin na pampondo sa ayuda ang kani-kanilang confidential and intelligence funds na nakapaloob sa panukalang 2023 national budget.

 

Tinukoy ni Castro na nasa P4.5 billion ang confidential at intelligence funds ng pangulo habang P500 million naman sa bise presidente.


 

Paliwanag ni Castro, kung mare-realign sa ayuda ang naturang salapi ay aabot sa 500,000 families o katumbas ng 2.5 million na mahihirap na mga Pilipino ang mapagkakalooban ng tulong-pinansiyal.

 

Umaasa si Castro na mapagbibigyan ni PBBM at VP Sara ang kanilang hirit dahil magandang pamasko kung sila mismo ang mag-aanunsyo na tatanggap ng tig-sampung libong pisong ayuda ang mga mahihirap na pamilya sa pagpasok ng bagong taon.

Facebook Comments