Dagdag na pondo para sa pagsali ng bansa sa Tokyo Olympics, hiniling ng isang kongresista

Hiniling ni House Committee on Youth and Sports Chairman Rep. Eric Martinez sa Kamara na dagdagan ang pondo para sa paglahok ng Pilipinas sa Tokyo Olympics na idaraos sa Hulyo ng susunod na taon.

Nababahala si Martinez na ang nalalabing pondo ng National Sports Development Fund ay hindi na sasapat hanggang sa katapusan ng taon matapos na tapyasan ang pondo sa mga ahensya ng pamahalaan para gamitin sa COVID-19 response.

Ayon kay Martinez, may apat na atleta na ang bansa na kwalipikadong lumahok sa Olympics habang 86 atleta pa ang nagsasanay para mabigyan ng pagkakataon na makasali rito.


Sinabi pa ng kongresista na sa gitna ng nararanasang pandemya ay nananatiling mataas ang moral at masigla ang mga manlalaro ng bansa kung saan nakadagdag sa kanilang inspirasyon ang pagsungkit ng Pilipinas na over-all champion sa Southeast Asian Games.

Tiwala naman ang mambabatas na ang magiging panalo ng Pilipinas sa Olympics ay makabubuhay ng pag-asa sa mga Pilipino na nababahala sa nararanasang COVID-19 pandemic.

Facebook Comments