Dagdag na pondo para sa stranded OFWs, kailangan ng DFA

Nangangailangan ng mas malaking pondo ang Department of Foreign Affairs (DFA) upang mapauwi ang mga overseas Filipino worker (OFW) na stranded sa iba’t-ibang bahagi ng mundo, ayon sa isang opisyal.

Bukod sa pagkaubos ng pondo, idinaing ni DFA Undersecretary Sara Arriola ang tumataas na bilang ng mga Pinoy na tinamaan ng COVID-19.

Batay sa datos ng opisyal nitong Hulyo 13, nasa 8,869 OFWs na ang nahawa ng sakit– 6,423 rito ay mula sa Middle East.


Umabot na sa 618 ang pumanaw sa virus– 349 ay naiulat mula sa Middle East at Africa, 139 sa Saudi Arabia– habang 20 percent naman ng mga namatay sa United Kingdom ay mga Pinoy na frontliners sa iba’t-ibang medical facilities.

“We are alarmed because our people abroad are not only infected but they are dying,” pahayag ni Arriola.

Isiniwalat ng opisyal na maaaring hanggang kalagitnaan ng lang ng Agosto tatagal ang pondo ng DFA.

Sa P1 billion na inilaan para sa pagpapauwi ng stranded OFWs, nasa P232,948,881.28 o 22.2 percent na lang umano ang natitira sa banko.

Sa ngayon, higit 80,000 OFWs na mula sa 60 na bansa at 132 cruise ship ang nakauwi sa Pilipinas.

Facebook Comments