Dagdag na pondo sa digital agriculture, inaasahang makakapigil sa katiwalian sa agrikultura

Tiwala si Senator Kiko Pangilinan na malaki ang maitutulong sa pagtataas sa pondo ng digital agriculture para pigilan ang korapsyon tulad sa nangyari sa anomalya ng flood control projects.

Mula sa ₱500 million ay tumaas sa ₱600 million ang digital agriculture funding sa ilalim ng 2026 national budget.

Sa ilalim ng digital agriculture, gagamitin dito ang data, online platforms, smart technologies para sa registration ng mga magsasaka at mangingisda gayundin ng data dashboards na magbibigay ng real-time na production, inputs, infrastructure at posibleng panganib.

Giit ni Pangilinan, ang maganda sa digital ay mahirap itago ang katotohanan kaya mainam na proteksyon ito para sa ating lahat na nagbabayad ng buwis.

Titiyakin aniya ng teknolohiya na mapupunta sa totoong magsasaka at mangingisda ang ayuda, insurance, at iba pang suporta, at hindi sa mga multo o ghost beneficiaries.

Dagdag pa ni Pangilinan, pinakamalakas na depensa laban sa korapsyon ay kapag bukas ang datos at proseso at may pakialam ang taumbayan.

Facebook Comments