Dagdag na ruta at mga sasakyan, mas dapat na tutukan ng LTFRB

Iminungkahi ni Public Services Chairman Senator Grace Poe sa pamahalaan partikular sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mas tutukan ang pagkakaroon ng dagdag na ruta at mga sasakyan para mabigyan ng maayos na transportasyon ang mga commuter.

Ang reaksyon ng senadora ay kaugnay sa isang linggong tigil-pasada ng ilang mga transport group bilang pagtutol sa PUV Modernization Program.

Ayon kay Poe, matagal nang problema ang pagmodernisa sa mga PUV dahil malaking problema rito noon pa ang pagkukunan ng pondo at hindi rin makautang nang tama sa gobyerno ang mga driver at operator para sa pag-upgrade ng kanilang mga sasakyan sa Euro 4.


Dahil dito, duda si Poe na kung walang solusyon na ilalatag ang LTFRB ay tiyak na panibagong problema na naman ito at posibleng ma-extend ang deadline na ibinigay sa mga PUV para makasunod sa modernization program.

Dapat aniya na unahin muna ng ahensya kung ano ang kayang i-modernisa na agad makapagbibigay ng kaluwagan at kaginhawan sa mga commuter.

Mahalaga aniyang unahin ngayon ang pagkakaroon ng ligtas na masasakyan ng publiko at ang pagbubukas ng maraming ruta para mabigyan ng sapat at maayos na transportasyon ang publiko.

Facebook Comments