Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Kamara na dadagdagan na nila ang ruta para sa mga Public Utility Vehicles (PUVs) sa oras na ibalik sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila.
Ito ang naging pangako ni LTFRB Chairman Martin Delgra III kay Committee on Metro Manila Development Chairman Manuel Luis Lopez sa ginawang ‘hybrid hearing’ sa Kamara.
Ayon kay Lopez, umaasa siyang mas magiging maayos at mabilis na ang biyahe ng mga commuters na ilang oras din na naghihintay para lamang makarating sa kanilang mga trabaho.
Kinatigan naman ni Delgra ang naging panawagan ng komite para sa dagdag na ruta at magsusumite ang ahensya ng kanilang comprehensive PUV route rationalization plan sa August 14, 2020.
Sinabi ni Delgra na magbubukas sila ng isang batch ng ruta kada linggo at ito ang kanilang isusumite sa komite.
Dagdag dito ay nakatanggap na rin sila ng utos mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) para dagdagan ang bilang ng mga pampublikong transportasyon na bumabiyahe kapag bumalik na sa GCQ.
Inirekomenda rin ng komite sa IATF na itaas sa 30% ang capacity ng lahat ng pampublikong transportasyon at dagdagan ang capacity ng 10% kada linggo hanggang sa bumalik na sa normal.