Tiwala si Senate President Juan Miguel Zubiri, na mahihimok na manatili sa bansa ang ating mga skilled workers kung madagdagan ang sahod ng mga manggagawang Pilipino.
Ang pahayag ni Zubiri ay sa gitna na rin ito ng pangungumbinsi nito na maaprubahan na ang kanyang isinusulong na ₱150 across the board wage increase.
Sa budget briefing ay sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno, na dahil sa kakulangan ng skilled workers sa bansa ay napipilitan ang gobyerno na mag-hire ng Chinese o kaya Indian workers.
Pero ayon kay Zubiri, nagsisialisan na kasi ang ating mga skilled workers dahil pakiramdam nila ay hindi na makaka-survive sa halaga ng sahod dito sa Pilipinas.
Katunayan aniya ay wala na nga tayong skilled workers at karamihan na sa ating mga mahuhusay na welders at electricians ay nasa Saudi Arabia na o sa ibang parte ng Middle East.
Kamakailan ay tinaasan ng ₱40 ang kada araw na minimum wage ng mga mangagagawa sa Metro Manila pero ang mga workers sa buong bansa ay walang pagbabago sa kanilang mga sahod.