Pinag-aaralan ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation ang kahilingan na muling itaas ang sahod ng mga government worker sa bansa.
Ayon kay Senator Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., Chairman ng nasabing komite, bago pa man ang hiling ng ilang sektor na itaas ang minimum salary sa P33,000 kada buwan ay ikinukonsidera na nila ang pagsusulong ng dagdag na sahod.
Katunayan ay hiniling na ng komite ang panig ng Department of Budget and Management (DBM) hinggil sa posibilidad na pagtataas ng sweldo.
Batay sa tugon ng DBM, iginiit ng ahensya na kakailanganin ng legislative action upang maitaas ang kasalukuyang sahod ng mga manggagawa sa pamahalaan sa buong bansa.
Tiniyak naman ni Revilla na nakahanda siyang muling isulong ang panukalang dagdag sahod katulad ng kaniyang ginawa sa Salary Standardization Law of 2019.
Samantala, habang kinukumpleto pa ang pag-aaral, isinusulong naman ni Revilla ang Senate Bill No. 1406 na naglalayong itaas ang Personnel Economic Relief Allowance o PERA na ipinagkakaloob na subsidiya sa mga manggagawa ng pamahalaan.