Umapela si Vice President Leni Robredo sa pamahalaan na dagdagan ang tulong na ibinibigay para sa mga pamilyang apektado ng pandemya.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, binigyang-diin ng pangalawang pangulo ang kahalagahang maayudahan ang pandemic-hit families lalo ngayon na naghihigpit muli dahil sa pagtaas na naman ng kaso ng COVID-19.
Katwiran ni Robredo, hindi dapat ibunton sa mga tao ang sisi sa muling pagdami ng nahahawaan ng virus.
Aniya, madali lang naman sa mga tao ang sumunod sa mga quarantine restrictions kung mayroon silang kakainin kahit nasa loob lang sila ng bahay.
“Ang sisi na naman nasa tao, kasi matigas ang ulo, hindi sumusunod. Kung yung tao may kakainin, kung yung tao may ibubuhay sa pamilya niya, madali para sa kanya na sumunod. Pero kung walang pagkain yung pamilya, kahit pa andyan yung danger na mahawa siya, lalabas at lalabas siya,” ani Robredo.
“Eto, matagal na nating ikinakampaya na yung tulong sa mahihirap, sana madagdagan.”