Manila, Philippines – Isinusulong ni House Committee on Veterans and Welfare Affairs Vice Chairman Ruffy Biazon na magtayo ng Veterans Memorial Medical Center sa labas ng Metro Manila.
Ayon kay Biazon, bagamat World War II pa naitayo ang VMMC na makikita sa Quezon City na may state of the art medical equipment, hindi aniya ito nagagamit ng lahat ng beterano sa buong bansa dahil ang karamihan sa mga beterano ay nasa malalayong probinsya.
Aabot sa 450,000 ang mga beterano at dependents sa bansa kung saan karamihan sa mga ito ay hindi basta makapunta ng VMMC dahil sa layo ng lugar.
Sa itinutulak ni Biazon, magtatayo na rin ng VMMC sa North Luzon, Visayas at Mindanao na magsisilbi ding tertiary care hospital para sa mga sundalong nasa aktibong serbisyo lalo na ang mga sugatan sa mga bakbakan.
Sangayon din si Biazon na unahin muna ang pagtatayo ng VMMC sa Cagayan de Oro City sa Mindanao kung saan mas maraming isinasagawang operasyon ang militar.
Binanggit ni Biazon na ang mga sundalo na malubhang nasugatan sa Marawi ay kinakailangan pang i-airlift papuntang Manila para ipagamot sa VMMC.